Buhay ang Recto

Nang-iinis ang araw
na nambabato ng init
sa bumbunan at batok
na tadtad ng pawis

Nagagalit ang LRT
nagdadabog, nagmamaktol
baka kasi pagod na
sa paulit-ulit na ginagawa

Naghihiyawan ang mga dyip
nagpapalakasan, nagbabarahan
puro nalang sila pasikat
gusto laging mauna

Nangingiliti ang asó
na galing sa tambutso
eto nanlalambing at kumakapit
sa damit kong bago

Nagmamakaawa ang basura
na pakalat-kalat sa tabi-tabi
ni wala man lang pumupulot,
walang pumapansin

Nag-aabang ang mga diploma,
mga pekeng tesis at lisensya
mapanlinlang ang itsura
ng mga makasalanang likha

Nanghahalina ang usok
mula sa yosi ni kuya
hinahaplos ang mukha
sa bawat hithit at buga

Natutulog ang kalye
tila ‘di ramdam ang bigat
ng mga apak at bakas
na lumalatay sa katawan

Nagtotong-its ang mga tindahan
ito ang araw-araw na libangan
pagalingan silang pumusta
paramihan ng pera

Naka-istambay ang mga libro
may luma at may bago
nakatengga, nakahilera,
naghihintay ng bagong amo

Naglalaro ang mga pisbol
sa mantikang kumukulo
hinihintay na maluto
ng mamang may-ari ng kariton

Sa bawat hakbang
isa, dalawa, tatlo
samu’t saring tao
ang makakasalubong mo

Mga pulis na maiinit ang ulo,
manggagawang puro trabaho,
pati mga nakapaskil na mukha
ng mga pulitiko’t artista

Mga namamalimos na pulubi,
mga di halatang anyo
ng mga kriminal at bayaran,
at mga taong walang pakialam

Mga negosyanteng abala,
mga estudyanteng pagala-gala,
at mga musmos na naglalaro
sa kahabaan ng Recto


[6/2010]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s