Anung sabi?

Sabi mo, kagabi, sabi mo
Itigil na natin ‘to
Nagmakaawa ka, sinabi mo
Hanggang dito nalang tayo

Napatigil ako sa sinabi mo
Tinikom ang bibig
Kinuyom ang puso
Wala akong nasabi sa sinabi mo

Lumipas ang mga buwan
Mga luha’y kinubli sa dilim
Paulit-ulit ang tahimik na alaala
Ng gabing sinabi mo sa akin

Ngayon sinasabi ko sayo
Hindi ko na maitatago
Hindi mo na mapipigil
Ang nais kong sabihin sayo

Eto o, pakinggan mo
Ang nababasag kong puso
Ang bumubuhos na dugo
Naririnig mo ba’ng sinasabi ko?

Ano na lang ang matitira

Kung tatalikuran ang kasinungalingan
Babaklasin ang pader na tinataguan
Ibababa ang maskara ng mga lihim
Huhubarin ang damit ng pagkukunwari
Lalagasin ang paimbabaw na pagkukubli

Ano kaya ang mangyayari

Kung iaalay and hilaw na katotohanan
Ilaladlad ang tunay na kabuluhan
Ilalaan ang walang bahid na pagkatao
Hahayaang bumuhos ang taos na mga salita
Ibubunyag ang dalisay na mga kataga

Pag-ibig? Pag-ibig kaya?