Baligtad

Araw-araw, paulit-ulit.
Gising, kain, ligo, bihis, byahe
Pagsakay sa dyip
Usok ang bumabalot paligid
Ang tulalang mga mata
Nakatingin sa kawalan
Nag-aabang ka lang lagi ng senyas
Kelan ba pwedeng tumigil?
At patuloy lang ang lakad
Binabagtas ang lumang linya
Ng kalsadang kabisado mo na
Pare-pareho ang itsura
Naghalu-halong mga mukha
Tumitingin, ngunit walang nakikita
Hindi pinapansin
Dinadaanan lang at hindi napapansin
Sa iyong mata ang mundo ay hindi nag-iiba
Pero
Hindi mo alam na ikaw lang ang hindi nagbabago

Sa aking pagmamasid

Ganito ang mundo
malaki, malawak
may nakaraan
may hinaharap
ang kabuuan
‘di maabot ng pang-unawa

Ganito ang lipunan
matatag, makapangyarihan
mahirap usisain
mahirap palitan
ang kalagayan
ay pilit na pinaniniwalaan

Ganito ang tao
maliit, mahina
may kasalukuyan – ‘di maintindihan
ang kasaysayan ng mundo
mahirap turuan – ‘di matanggap
ang katotohanan sa lipunan

Ano na lang ang matitira

Kung tatalikuran ang kasinungalingan
Babaklasin ang pader na tinataguan
Ibababa ang maskara ng mga lihim
Huhubarin ang damit ng pagkukunwari
Lalagasin ang paimbabaw na pagkukubli

Ano kaya ang mangyayari

Kung iaalay and hilaw na katotohanan
Ilaladlad ang tunay na kabuluhan
Ilalaan ang walang bahid na pagkatao
Hahayaang bumuhos ang taos na mga salita
Ibubunyag ang dalisay na mga kataga

Pag-ibig? Pag-ibig kaya?

Anong puwedeng isulat

Gusto kong magsulat
ng tungkol sa yosi pero hindi
ko magawa kasi hindi
pa naman ako nakahithit
at buga ng maputing usok
na sumasayaw paakyat
mula sa aking nguso.

Gusto kong magsulat
ng tungkol sa droga pero hindi
ko maisip paano dahil hindi
ko pa naman natitikman
ang nakakaadik na singhot
at nakakalulang turok
ng matulis na karayom.

Ang naisusulat ko lang
ay ikaw na naranasan ko na
naamoy ang iyong presensya
at sinabayan ang paghinga
nalasahan ang iyong mga salita
at nahaplos ang kaluluwa
nakilala ang mga matang
nakatingin na sa iba.

Pakiusap

namatay ang mga
ilaw at isinuko
ang sarili sa dilim sa
saliw ng mga patak
ng ulan gumalaw ang
ating mga katawan hinubad
ang pagkatao at hinarap
ang katotohanan inalay
ang mga hipo na pilit
pinag-uugnay ang ating
mga damdamin patuloy
ang alab ng kandila habang
naglalaro ang apoy
sa dibdib naghalo
ang maalat na pawis at matamis
na alaala sa mainit
na paghinga ay binuga
ang mga hinagpis kasabay
ng mahigpit na kapit ang
sumamong huwag
ka nang bumitiw.

muntik na.

Lagok

gumulong ang butil
ng malamig na pawis
sa leeg na makinis

hinaplos ng palad
at marahang pinuluputan
ang basang katawan

nilapat ang mga labi
na matagal nang sabik
sa matamis na halik

napukaw ang laman
gumuhit ang hapdi
at kumalat ang init

ang panandaliang sarap
sa dibdib ay humagod
pinawi ang lungkot

nilunok ang ligaya
nalunod sa saglit
nang alaala’y mapaknit

at ‘pag lakas ay naubos
at lalamuna’y natuyot
babalik ang alaala’t lungkot